Owner ng Valisno bus, inisnab ang LTFRB

Ang Valisno Bus Express na naaksidente sa kahabaan ng Quirino Highway sa Quezon City. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Inisnab kahapon ng may-ari ng Valisno Express bus company ang ipinata­wag na hearing ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos masangkot ang isa nilang unit sa aksidente na ikinamatay ng apat katao at pagkasugat ng marami pa.

Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Arien Inton, boardmember ng LTFRB, dahil hindi dumating sa hearing ang may-ari ng Valisno bus, wala pang tugon ang ahensiya sa giit ng bus company na ipatigil na ang suspension order sa buong fleet ng kompanya.

Sinabi ni Inton na dahil dito, ni reset nila sa August 20 ang pagdinig pero kung hindi pa darating ang may-ari ng Valisno ay maaari itong ma-contempt at ipa­aresto.

Sa ginanap na public hearing kahapon sa LTFRB main office sa QC, sinabi ni Inton na dulot ng hindi pagsipot ng may-ari ng Valisno bus company ay hindi pa rin nasasagot ng kompanya­ ang mga katanungan ng ahensiya kung bakit hindi nairehistro ang kanilang unit na nasangkot sa nagdaang aksidente, kung bakit di sinusunod ang batas ng Department of Labor na fix rate ang pasahod sa mga driver at conductor kundi commis­sion basis lamang ang ginagawa at kung bakit sa financial report ay P42,000 lamang ang kita sa isang taon at bakit tig-iisa lamang ang naisurender na plaka sa LTFRB makaraang igawad nila ang 30 days suspension sa bus company.

Sinabi pa ni Inton na malamang na madaming huli ang mga bus ng Va­lisno dahil sa tig-iisa lamang ang naisurender na plaka at ito ay isa pa ring bagay na dapat anyang liwanagin ng Valisno bus company.

Magugunitang ginawa­ran ng 30 days suspensiyon ang buong fleet ng Valisno Express bus company dahil sa matinding aksidente na kinasangkutan ng isang unit nito sa boundary ng Caloocan at QC na apat ang namatay doon.

Show comments