MANILA, Philippines - Bulagta ang isang tricycle driver matapos itong barilin ng kapwa nito tsuper dahil lamang sa pag-uunahan sa pila sa isang terminal sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Santa Ana Hospital sa Maynila ang biktimang si Victor Moreno, 36, ng Sunrise Compound, Mola St., Brgy. La Paz, Makati City sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya para sa agarang pagdakip sa suspek na nakilalang si Cezar Nabal, stay-in sa Off-shore Bar and Restaurant sa Kamagong St., Brgy. San Antonio Village, Makati City.
Lumalabas sa report na natanggap ni Senior Supt. Ernesto Barlam, hepe ng Makati City Police, naganap ang insidente alas-10:00 ng gabi sa terminal ng mga tricycle sa panulukan ng Metropolitan at Chino Roces Sts., Brgy. La Paz ng naturang lungsod.
Sinasabing nag-agawan sa pila ang dalawa kung saan sinita ng suspek ang biktima, na kung bakit ito nakikipila sa kanilang terminal, samantalang hindi naman aniya ito miyembro dito.
Dahilan upang magkaroon ng argumento ang suspek at biktima at sa kainitan ng kanilang away ay kumuha ng baril si Nabal at pinutukan nito sa ulo si Moreno.
Duguang bumulagta si Moreno at matapos ang pamamaril ay kaagad namang tumakas si Nabal.
Mabilis na dinala ng kapwa nya tricycle driver si Moreno sa naturang ospital, subalit hindi na ito nakarating ng buhay.