Tricycle vs kotse: 1 dedo
MANILA, Philippines - Isa na naman ang patay habang apat pa ang iniulat na nasugatan makaraang salpukin ang sinasakyan nilang tricycle ng isang kotse sa kahabaan ng Don Mariano Marcos Avenue, lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni P/Insp. Marlon Meman, hepe ng Quezon City Police Traffic Sector 2, ang nasawi ay kinilalang si Michael Capatian, 39, binata, driver ng tricycle at residente ng Brgy. Paltok sa lungsod. Habang ang mga sugatan naman ay sina Adelita Capatian, 63; Mary Ann Rabino, 30; Bladimir Rabino, 13; at Tj Sam Capatian, 9.
Ayon kay Senior Insp. Meman, si Capatian ay nagawa pang maisugod sa ospital, subalit makalipas ng ilang oras ay binawian din ng buhay.
Ang driver ng Mitsubishi Lancer (BCJ-112) na si Josemelito Panguirigan, 27, binata ng Casa Milan Subdivision, Fairview, sa lungsod ay nasa kustodiya ngayon ng pulisya.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Rabindranath Sierra, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Don Mariano Avenue, harap ng Mitsubishi Motors sa Brgy. North Fairview, ganap na alas-10 ng gabi.
Sinasabing tinatahak ng kotse at tricycle na sakay ang mga biktima ang nasabing lugar galing sa Commonwealth Avenue patungong Mindanao Avenue Extension nang pagsapit sa nasabing lugar ay binundol ng una ang huli.
Sa lakas ng pagkakabundol, tumalsik ng ilang metro ang tricycle sanhi upang magtamo ng matinding injuries sa katawan ang mga biktima.
Agad na dumating ang mga rescue team at isinugod si Michael sa Commonwealth Medical Center, habang ang sugatang mga biktima naman ay sa East Avenue Medical Center para magamot.
Pero makalipas ang alas- 5:44 ng madaling araw ay binawian din ng buhay si Michael. Kasong reckless imprudence resulting in damage to property with homicide at multiple physical injury ang kinakaharap ngayon ni Paguirigan.
- Latest