Privatization, joint venture magkaiba- Manila Dad
MANILA, Philippines – Tahasang sinabi ni Manila 3rd District Councilor Letlet Zarcal na magkaiba ang privatization at joint venture na ginagawa sa isang proyekto.
Sa ginanap na public hearing ng Committee on Market, Hawkers and Slaughterhouses na pinamumunuan ni Manila 3rd District Councilor Joel Chua, sinabi ni Zarcal na tila nababahiran ng pulitika ang dalawang salita kung saan nagagamit pati ang mga vendors.
Ayon kay Zarcal, ang privatization ay ang pagbebenta ng pag-aari ng gobyerno sa mga pribadong kompanya habang ang joint venture naman ay ang pakikipagtulungan ng pribadong kompanya sa proyekto ng pamahalaan.
Sa kaso aniya ng San Andres Market, isasagawa ang redevelopment nito sa pamamagitan ng joint venture na nangangahulugan na gagastusan ng private company ang rehabilitasyon o pagsasaayos habang nasa kontrol pa rin ng city government ang pamamahala dito.
Paliwanag naman ni 2nd District Councilor Marlon Lacson, ginawa na noon pa ang redevelopment sa Aranque Market kaya’t hindi naman umano malaking isyu kung gagawin ang rehabilitasyon sa ibang palengke sa lungsod.
Aniya, kailangan na mapaayos ang mga palengke sa Maynila upang makasabay sa nagsusulputang mga supermarket kung saan napag-iiwanan na ang mga public markets. Kailangan aniyang maging competitive ang mga palengke ng Maynila sa ibang pamilihan.
Ayon naman sa mga vendors, hindi sila naabisuhan hinggil sa pagsasaayos ng San Andres Market kasabay ng pangamba na tataas ang upa sa kanilang puwesto.
Tiniyak naman ng XRC Mall Developers, Inc na walang pagtaas ng bayad sa mga vendors sa loob ng dalawang taon sakaling matapos ang proyekto at magiging minimal lamang ang dagdag kung magsisimula na ang pagbabayad.
Tiniyak naman ni Chua na hindi mawawalan ng lugar ang 147 vendors na lehitimo at nagbabayad ng kanilang upa sa city government.
Aniya, ang kapakanan ng mga vendors ang kanilang prayoridad sa proyekto kung kaya’t hindi na dapat pang mangamba ang mga ito.
- Latest