MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang pulis-Maynila makaraang matakasan ng Taiwanese national na inireklamo ng large scale illegal recruitment at diumano’y tumalon sa pagkaka-angkas sa motorsiklo sa bahagi ng Ermita, kamakalawa ng hapon.
Nahaharap sa kasong Infidelity in the custody of prisoner, conniving with or consenting to evasion si PO2 Marlon Añonuevo, na nakapiit sa Manila Police District Integrated Jail.
Sa ulat ni Chief Insp. Arsenio Riparip, ng MPD-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), isang high risk prisoner si Michael Vincent Tan Co alyas “Sam Jasper Wang” at “Bobby Wang”, 28, ng no. 144 Leon Guinto St., Malate, Maynila na may kasong large scale illegal recruitment matapos madakip sa isang entrapment operation kamakalawa ng umaga. Nakunan ni Co ng pera ang kanyang mga biktima subalit walang naibigay na trabaho mula Taiwan.
Isasailalim muna sa medical checkup sa Ospital ng Maynila si Co subalit tumakas ito sa motorsiklong minamaneho ni Añonuevo. Agad na bumalik si Añonuevo sa MPD upang ireport na nakatakas ang suspek nang tumalon umano mula sa motorsiklo pagsapit sa Taft Ave., sa Ermita at mabilis na tumakas.
Agad iniutos ni MPD Director C/Supt. Rolando Nana na imbestigahan ang insidente at kasuhan si Añonuevo.