MANILA, Philippines - Dalawang kalibre .45 baril kasama ang mga magazine nito na pawang puno ng bala at hinihinalang ginamit sa isang krimen ang nadiskubre sa isang imburnal sa loob ng University of the Philippines (UP) campus sa lungsod Quezon City ayon sa ulat kahapon.
Ito ang impormasyong ipinarating ni P/Supt. Richard Fiesta, hepe ng Anonas Police Station kay Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Edgardo Tinio matapos na ipagbigay alam sa kanila ng security officer ng unibersidad ang nasabing insidente.
Ayon sa ulat, bukod sa 2 baril, nakuha rin ang dalawang magazine na puno ng bala na ito ay nadiskubre ng mga kawani ng Philcare Manpower Services sa ilalim ng U.P. maintenance Office sa isang manhole na matatagpuan sa E. Delos Santos at T. Kalaw St., ganap na alas-10:15 kamakalawa ng umaga.
Sinasabing naglilinis at nagtatanggal ng mga nakabarang dumi ang mga kawaning si James Menor, Alfonso Torres, at Reynaldo Dayag nang makuha nila ang mga ito at agad na ipinabatid sa Chief Security ng UP na sina Atty. John Barona at Captain Ruben Villaluna, bago tuluyang ipabatid ito sa tanggapan ng Anonas Police.
Naniniwala ang pulisya na ang nasabing mga baril na unti-unti nang kinakain ng kalawang at puno ng putik ay nagamit sa isang krimen at itinapon sa imburnal para mawala ang ebidensya.
Samantala, agad namang ipinag-utos ni Chief Supt. Tinio kay Supt. Fiesta ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ukol dito.
Pinag-iisipan din ng opisyal na pag-aralan ang kasalukuyang security policies sa pagitan ng QCPD at ng UP Diliman Police at gagawa ng isang memorandum of agreement (MOA) upang lalong palakasin ang seguridad sa loob ng unibersidad. (Ricky T. Tulipat)