MANILA, Philippines - Isang totoy ang nasawi makaraang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Caloocan City, kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nasawi na si Daniel Niño de Vera, 13-anyos. Natagpuan ang bangkay nito sa banyo sa ikatlong palapag ng kanilang bahay sa Alamang St., Brgy. 12 Dagat-Dagatan, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong ala- 1:30 ng madaling-araw nang sumiklab ang apoy sa stock room sa unang palapag ng bahay habang nasa kasarapan ng tulog ang pamilya ng biktima.
Unang nagising ang lola ng biktima na si Florencia De Vera, 62, nang mahirapan sa paghinga dahil sa makapal na usok na bumalot sa bahay.
Agad na ginising nito ang anak na babae at isa pang apo na natutulog sa unang palapag ng bahay at nakalabas. Naiwan naman sa loob si Daniel Niño na natutulog sa ikatlong palapag ng bahay.
Hinihinalang nagmula ang apoy sa nag-short na electrical circuit. Umakyat sa ikatlong alarma ang sunog na umabot ng isang oras habang nasa P500,000 ang hinihinalang nasira sa insidente. (Danilo Garcia)