MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi makaraang salpukin ng isang 22-wheeler na truck ang isang kotse sa kahabaan ng Lanuza Avenue at Ortigas Avenue sa Pasig City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Donovan Capa, 31 at Beverly Victoriano, 17, na kapwa lulan ng kotse.
Isinugod naman sa pagamutan ang dalawang nasugatang pahinante ng truck sanhi ng mga sugat na tinamo sa kanilang mga katawan.
Sa ulat ng Pasig City Police, naganap ang insidente sa kahabaan ng nasabing lugar kung saan sinalpok ng 22-wheeler truck na may kargang 20 toneladang asukal at ng isa pang binanggang truck ang itim na kotseng sinasakyan ng mga nasawi.
Ayon sa imbestigasyon, mabilis ang takbo ng 22-wheeler truck na minamaneho ni Aaron Gutierrez kahit na nakapula ang traffic light.
Sa pahayag ni Gutierrez sa mga awtoridad, sinabi nito na nawalan umano siya ng preno ng mangyari ang insidente.
Samantalang kinailangan pang gumamit ng extricator device ng Pasig Rescue Team at ng mga traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority para mahugot sa nayuping kotse ang mga nasawing biktima.
Hanggang dakong alas-8:00 naman ng umaga ay hindi pa rin nahahatak mula sa lansangan ang sumalpok ng 22-wheeler, dahilan para salubungin ng masikip na trapik ang mga motorista.
Isinailalim na sa kustodiya ng pulisya si Gutierrez na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide at damage to property.
Sinasabing kalalabas pa lamang ng pagamutan ng isa sa nasawi nang maganap ang aksidente.