MANILA, Philippines - Patay ang isang buwang gulang na sanggol matapos na mabulunan sa ipinadedeng tubig habang ang ama nito’y mahimbing na natutulog, kahapon ng tanghali sa Tondo, Manila.
Hindi na naisalba pa ng mga manggagamot ng Tondo General, Hospital, ang beybi na si Regine Ramirez, ng Lico St. Tondo, habang isinasailalim naman sa interogasyon ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section ang ama ng sanggol na nakilalang si Rogin, 36.
Batay sa ulat ni SPO2 Donald Panaligan, may hawak ng kaso, bandang alas-11:15 ng tanghali, nang makita ng ama ang kanyang anak na wala ng malay. Kaagad umano niya itong isinugod sa pagamutan pero hindi na umabot ng buhay.
Nalaman na wala umano sa bahay ang ina ng batang si Janet dahil naghahanap umano ng mahihiram na pera panggatas ng biktima.
Ayon kay Rogin dahil sa walang gatas ipinasya niyang padedehin muna ng tubig ang sanggol hanggang sa makatulugan niya ito.
Mahigit isang oras na ang nakakalipas nang maalimpungatan si Rogin at dito na niya nakita ang kanyang anak na hindi na gumagalaw.
Isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng sanggol upang malaman ang tunay na sanhi ng kamatayan nito.