MANILA, Philippines - Nagpiyansa na ang promoter ng international RnB singer na si Chris Brown.
Pansamantalang pinalaya ng Bureau of Immigration si John Michael Pio Roda, isang Canadian matapos makapaglagak ng P50,000 ang abogado nitong si Atty. Siegfred Fortun.
Si Pio Roda ay nasa kustodiya ng BI makaraang maghain ng reklamo laban sa kanya ang Maligaya Development Corporation nang hindi siputin ni Brown ang concert na inorganisa sa Philippine Arena nuong December 31, 2014.
Bukod sa swindling, nahaharap rin si Pio Roda sa reklamong paglabag sa Immigration Laws dahil sa pagtatrabaho sa bansa nang walang working visa at pagiging isang undesirable alien.
Ayon Atty. Elaine Tan, tagapagsalita ng BI, nito lamang August 11, 2015 nang aprubahan nila ang petition for bail na inihain ni Fortun.
Sa kasalukuyan, si Pio Roda ay nasa ilalim na ng hold departure list ng BI, at nabatid na hawak din ng kawanihan ang kanyang Canadian passport.
Bilang kundisyon naman sa kanyang pansamantalang paglaya, kinakailangang magpakita si Pio Roda sa Intelligence Division ng BI tuwing unang Lunes at ikatlong Lunes ng buwan.