MANILA, Philippines - Positibo sa iligal na droga ang driver ng Valisno bus na naaksidente sa kahabaan ng Quirino Highway kung saan apat ang nasawi habang 18 iba pa ang nasugatan na naganap sa lungsod Quezon kamakalawa ng umaga.
Ayon kay Senior Insp. Marlon Meman, hepe ng Quezon City Police District Traffic Sector 2, base sa lumabas na resulta sa drug test na isinagawa kay George Pacis, 35, lumabas na positibo ito sa ipinagbabawal na gamot nang maganap ang trahedya kung kaya maaring maharap ito sa patung-patong na kaso.
Partikular anya dito ang reckless imprudence resulting in damage to property with multiple physical injuries at multiple homicide at paglabag sa article 275 ng revised penal code (abandoning a person in danger or one own’s victim) at paglabag sa Republic act no. 10586 o driving under the influence of dangerous drugs.
Sabi ni Meman, sa kasalukuyan kinukumpleto na nila ang lahat ng dokumento para sa paghahain ng kaso sa tanggapan ng city prosecutor’s office laban kay Pacis.
Si Pacis ay dinakip ng tropa ng TS-2 sa pamumuno ni Meman sa kanyang tinutuluyan sa San Jose Del Monte Bulacan matapos na tumakas nang maganap ang malagim na aksidente sa Quirino Hiway.
Kuwento ni Pacis, nagawa lang niyang tumakas dahil sa takot na kuyugin siya ng mga tao pero wala siyang planong pagtaguan ang nasabing krimen.
Itinanggi din nito na hindi mabilis ang kanyang pagpapatakbo nang sumalpok ang minamanehong bus sa kongkretong arko ng boundary ng Quezon City at Caloocan City, sa Barangay Lagro, alas-7:20 Miyerkules ng umaga.
Humingi din si Pacis ng tawad sa mga biktima, dahil sa aksidente lamang umano ang nangyari.
Giit ni Pacis, maging siya anya ay naipit sa pagitan ng manibela at gears stick kung kaya nahirapan din siyang makaalis, matapos ang aksidente.
Samantala, ayon pa sa opisyal, nagtungo na sa kanilang himpilan ang representante ng Valisno bus para kausapin at bigyan ayuda ang mga biktima.