MANILA, Philippines – Pinalaya ng pulisya kamakalawa ng gabi ang babaeng umano’y utak ng P700 million investment scam, na dinakip kamakailan matapos itong ireklamo ng 40 katao na kanya umanong niloko sa Parañaque City.
Sinabi ni Senior Supt. Ariel Andrade, hepe ng Parañaque City Police, bandang alas-11:00 na ng gabi nang pansamatalang palayain ang suspek na si Maria Angeline Libanan-Martirez, 25, taga Citadela Drive, Citadela Executive Village, Las Piñas City hinggil sa kasong syndicated estafa na kinakaharap nito.
Ito aniya ay base sa kautusan ng Parañaque City Prosecutor’s Office habang nagsasagawa ng karagdagang imbestigasyon laban dito. Lumalabas na hindi aniya pumasok sa large scale at syndicated estafa ang kasong isinampa laban kay Martirez kung kaya’t pinalaya ito ng piskalya.
Samantala, isinailalim na sa lookout bulletin order ng Dept. of Justice si Martirez at Mark Anthony Martirez, kasunod ng kahilingan ng Parañaque City Prosecutor’s Office. Nabatid na mayroon nang reklamo na nakabinbin laban sa mag-asawang Martirez sa piskalya ng Parañaque.
Dalawampung porsyentong tubo kada buwan ang pangako umano ni Martirez na kikitain ng kanyang mga investor.