Bebot hinalay, bago pinatay

MANILA, Philippines – Isang babae na hinihinalang ginahasa muna, bago brutal na pinatay sa saksak ng kanyang dating live-in partner na security guard sa loob ng isang bakanteng unit sa lungsod Que­zon, kama­kalawa ng gabi.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang biktima na si Noreen Matungay, 22, ng Villa España 1 Brgy Tatalon sa lungsod.

Pinaghahanap naman ang suspect na si Alberto Tamidles, 41, security guard ng Block 7, Lot 13, Leo St., Camella Homes 3, Tunasan Muntinlupa City.

Nangyari ang insidente sa loob ng isang bakanteng unit ng Fortune Bldg., matatagpuan sa Banawe malapit sa kanto ng Quezon Avenue, Brgy. Tatalon sa lungsod ganap na alas-7:20 ng gabi.

Ayon sa ulat, ang biktima at suspect ay maglive-in partner pero nagpasyang maghiwalay noong August 8, 2015.

Sinabi ng kaanak ng biktima na si Nordiana Manincara, sinamahan umano niya ang biktima sa lugar para makipagkita sa suspect na nakadestino bilang guwardiya sa nasabing gusali. Pagsapit sa lugar ay inutusan umano siya ng suspect na bumili ng pagkain habang kakausapin lamang nito ang biktima

Makaraan ang ilang minuto, pagkabalik ni Manincara ay nadatnan na lang niya ang dalawa na nasa loob ng unit pero naka­sarado na ang pinto.

Ilang sandali pa, nakita na lang umano ni Manincara na nagmamadaling lumabas ng bakanteng unit ang suspect na nakahubo at may bakas ng dugo sa kanyang damit. Muli din nitong ini-lock ang pintuan sa labas ng unit, bago tuluyang tumakas patungo sa hindi mabatid na direksyon.

Sa puntong ito, nagpasya si Manincara na humingi ng tulong sa ilang concerned citizen sa lugar na siya namang tumawag ng awtoridad para sa pagsisiyasat kung saan natagpuang patay na ang biktima.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) nadiskubre sa pinangyarihan ng krimen ang isang underwear ng suspect at pang-jogging na jeans, at isang patalim.

Habang sa cursory examination na ginawa sa bangkay ng biktima ay nagtamo ito ng hindi mabilang na saksak sa buong katawan kung saan ay nakatarak pa sa likod nito ang isang patalim.

Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insi­dente upang mabatid na positibong ginahasa ng suspect ang biktima.

Show comments