MANILA, Philippines – Apat na pasahero ang iniulat na nasawi habang umabot sa 18 pa ang nasugatan makaraang sumalpok ang isang pampasaherong bus sa isang kongkretong poste na boundary marker na nagresulta sa tuluyang pagkawasak nito sa kahabaan ng Quirino Highway sa lungsod Quezon kahapon.
Ayon kay Senior Insp. Marlon Meman, hepe ng Quezon City Police District Traffic Sector 2, sa inisyal na pagsisiyasat na kanilang ginawa, isa sa apat na nasawi ang natukoy na ang pangalan. Ito ay si Eduardo Agabon, 39; habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tatlo pang nasawi kung saan isa sa mga ito ay babae.
Ayon kay. Meman, kasalukuyang ginagamot naman sa Tala hospital ang mga sugatan na nagtamo ng mga sugat sa mukha, braso at katawan.
Ayon pa sa opisyal, ang mga nasabing biktima ay sakay ng Valisno bus (TXV-715) na minamaneho ng isang George Pacis, 35 nang mangyari ang sakuna sa kahabaan ng Quirino highway, partikular sa boundary ng signages ng Quezon City at Caloocan City, Brgy. Lagro sa lungsod, ganap na alas-7:20 ng umaga.
Sa inisyal na pagsisiyasat, binabaybay umano ng Valisno bus ang naturang highway galing ng Regalado Avenue, patungong Bulacan, nang pagsapit sa harap ng La Mesa Dam ng Brgy. Lagro ay biglang nawalan ito ng kontrol.
Sinasabing sa sobrang bilis ng pagtakbo ng bus ay hindi na nagawang makapag-preno ni Pacis, hanggang sa salpukin ng kanang bahagi nito ang kongkretong boundary marker na nakatayo sa lugar.
Sa lakas ng pagkabangga, natapyas ang halos kalahating katawan ng bus at magtalsikan palabas ang mga pasahero na naging ugat para magtamo ang mga ito ng matinding injuries sa kanilang mga katawan.
Dalawa sa mga biktima ang agad na nasawi habang naisugod pa sa magkakahiwalay na ospital ang ibang sugatan kung saan dalawa pa sa mga ito ang iniulat na dead on arrival. Agad namang tumakas ang driver ng bus na si Pacis pero nadakip ito ng mga awtoridad ilang oras matapos ang insidente.
Sabi ng ilang nakaligtas na pasahero, masyado umanong mabilis ang takbo ng kanilang bus na tila nagkakarera, kung kaya pagsapit sa pakurbang bahagi ng kalsada ay hindi na nakontrol ng driver ang sasakyan hanggang sa bumangga na.
Kasong reckless imprudence resulting in damage to property with multiple physical injuries at multiple homicide ang kinakaharap ngayon ng driver.