MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki makaraang mabaril ng isang pulis, habang dalawa pa ang sugatan nang sumiklab ang isang rambol sa loob ng isang videoke bar dahil sa asaran sa pagkanta, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Nakilala ang nasawi na si Carlo Duras, 27, ng Valenzuela City, habang sugatan naman sina Raymond Sotea, 27, at ang 64 na si Valentino Yanga.
Sumuko naman sa Malabon City Police ang nakabaril na si PO3 Addrich Reagan De Leon, nakatalaga sa Warrant and Subpoena Section ng Malabon Police. Pinaghahanap pa ang ibang sangkot sa kaguluhan kabilang si Loel Martin, at isang hindi pa nakikilalang lalaki.
Sa inisyal na ulat, umiinom sa loob ng GTO Videoke Bar sa may Rivera St., Brgy. Tinajeros, ang grupo ni Yanga, kasama ang isang Ramon Saraguno at alyas Ike dakong alas-11 ng gabi nang atakihin umano sila ng grupo ni Durias kasama naman sina Sotea, Martin at isa pa dahil sa asaran sa pagkanta.
Rumesponde naman sa naturang bar si PO3 De Leon nang hingan ng saklolo ng isang residente. Sa kabila nito, pinagtulungan umano ng mga suspek ang pulis. Tangkang sasaksakin umano ng suspek na si Durias ang pulis na nang makahulagpos ay binaril sa sikmura ang suspek.
Agad na isinugod sa pagamutan si Durias na idineklarang dead-on-arrival maging ang mga sugatang sina Yanga at Sotea ay binugbog naman umano ng taumbayan.