MANILA, Philippines – Muling nagpatupad sa ika-8 pagkakataon ng bawas presyo ng kanilang produktong petrolyo ang ilang kompanya ng langis ngayong araw na ito.
Sa anunsiyo kahapon ng Pilipinas Shell, kanilang pinangunahan ang pagpapatupad ng bawas presyo, na epektibo alas-12:01 ng madaling araw.
Nabatid na bumaba ng P0.45 sa kada litro sa gasolina at diesel at nasa P1.00 kada litro naman ang ibinawas sa kerosene.
Sumunod ring nagpatupad ng bawas presyo ang Phoenix Petroleum, na nasa P0.40 sentimos sa kada litro ng gasolina habang P0.45 naman ang ibabawas sa kada litro sa diesel na epektibo naman ng alas-6:00 ng umaga.
Nabatid kay Ina Soriano, ng Pilipinas Shell, ang pagbaba sa presyo ay bunsod ng paggalaw ng presyuhan nito sa world market. Asahang magpapatupad na rin ng bawas presyo ang ibang pang oil companies.
Huling nagpatupad ng rollback ang ilang oil companies noong Agosto 4 ng taong kasalukuyan.