1 patay sa trailer truck

MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang  34 anyos na back rider  habang sugatan naman ang mismong nagmamaneho ng  motorsiklo  na  binangga ng trailer truck sa Road 10, Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Nabatid na pumailalim pa sa truck ang biktimang si Femia Valderama, biyuda kaya ito nasagasaan at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo.

Tumilapon din ang rider na si Jimmy Abet Quiminales, 29, ng Morala st.,  San Rafael, Navotas  na nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan.

Sa ulat ni SPO2 John Cayetano ng Manila Traffic Enforcement Unit, dakong alas 12:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Road 10 malapit sa Harbour Center, Tondo.

Sa imbestigasyon, nasa unahan ang motorsiklo (Motorstar 110 cc)  nang biglang humarurot ang truck at mahagip nito ang motorsiklo kaya tumumba  at napunta sa ilalim ng truck si Valderama.

Mabilis pa umanong umarangkada ang truck habang hindi pa nakababangon sa pagkakatilapon si Quiminales kaya hindi na nahabol o nakita ang plaka ng truck na tuluyang tumakas.

 

Show comments