MANILA, Philippines - Dahil na rin sa iba’t ibang mga sakit na nakahahawa at maaaring makuha sa loob at labas man ng ospital at mga paaralan, magsasagawa ngayon ang pamunuan ng Justice Jose Abad Santos Hospital ng mga pamamaraan upang maiwasan ito.
Ayon kay Dr. Nerissa Sescon ng JJASGH, sinisimulan na nila ang ilang mga paraan upang maiwasan na mahawa ang mga doctor gayundin ang mga pasyente at kamag-anak ng mga ito ng mga sakit sa loob ng ospital.
Karamihan aniya sa mga staff at lalo na ang mga kamag-anak ng pasyente ay nalilimutang maghugas ng kamay na pinakamahalaga upang maiwasan ang anumang pagkakasakit lalo pa’t kamay ang madalas na ginagamit sa pagkain, pagbibigay ng gamot at pakikipagkamay.
Ituturo sa lahat ang tamang paghuhugas ng kamay na malaking tulong upang maiwasan ang pagkahawa o pagsalin ng mga nakahahawang sakit. Sa Agosto 19 ang pormal na paglulunsad sa kampanya.
Ang lahat ay magkakaroon ng on ‘pledge of commitment’ upang matutukan ang tamang paghuhugas ng kamay para na rin sa kapakanan ng publiko. Ani Sescon, sa tamang ‘hand hygiene’ nakatitiyak na walang sakit na maipapasa kaninuman.
Nabatid kay Sescon na mamimigay sila ng pin sa mga ospital bilang paalala sa lahat ng mga nasa loob ng gusali ng tamang paghuhugas ng kamay.
Isa sa mga paraan aniya ay ang pagkanta ng ‘happy birthday’ song. Kung matapos ang kanta at ang paghuhugas nangangahulugan na tama ang paghuhugas ng kamay. Subalit kung matapos ang paghuhugas ng kamay at hindi pa aniya tapos ang kanta, indikasyon lamang ito na may nakaligtaang hugasan ang isang indibiduwal.
Sakaling maging matagumpay ang kampanya, gagawin din ito sa mga paaralan na malapit sa JJASGH kabilang na ang Rajah Solayman High School, Jose Abad Santos High School at P. Guevarra Elementary School.