MANILA, Philippines - “Kung noon pa nabigyan ng prangkisa ang mga tricycle driver, hindi na sana lumala ang trapiko sa Maynila.”
Ito naman ang binigyan diin ni Manila Vice Mayor Isko Moreno sa kanyang pagdalo sa isinagawang regular session sa konseho ng Maynila.
Ayon kay Moreno, napabayaan ng mga nakaraang administrasyon ang kapakanan at seguridad ng mga tricycle driver kaya’t hindi na binigyan prayoridad ang pagbibigay ng prangkisa sa mga tricycle kung saan lumobo ang bilang nito sa mga nagdaang taon.
Subalit ngayon aniyang unti-unti nang inaayos ang mga tri-wheel vehicle madidisiplina na ang mga ito kung saan magkakaroon ng sariling mga TODA at maiiwasan na pasukin ang mga lugar na ipinagbabawal.
Nakalulungkot lamang isipin na ang mga tricycle ay kadalasang nagagamit sa pamumulitika at nalilimutan na sa sandaling matapos ang eleksiyon.
Paliwanag ni Moreno, ang serbisyo sa publiko ay hindi natatapos sa pamumulitika lamang. Mas dapat na alisin ang pulitika kung tapos na ang eleksiyon at sa halip ay harapin ang problema ng walang panunumbat.
Ngayon aniyang 357 na ang nabigyan ng prangkisa, titiyakin naman ng konseho na mabigyan pa ng prangkisa ang ibang tricycle upang hindi na makaabala sa lansangan at sa halip ay makapaghanap buhay ng maayos.