21 pasahero sugatan sa karambola ng 2 bus, taxi

Hinila na ng mga awtoridad ang isa sa mga bus na nasangkot sa karambola ng mga sasakyan sa EDSA na ikinasugat ng 21 katao. ( Kuha ni MICHAEL VARCAS)

MANILA, Philippines - May 21 pasahero ng pumpublikong bus ang sugatan makaraan ang karambola ng dalawang bus at isang taxi sa kahabaan ng East Ave., sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Quezon City Police District Traffic Sector 3, ang mga biktima na nagtamo ng mga galos at pasa sa kanilang mga katawan ay agad na isinugod ng mga rumespondeng rescue team ng MMDA sa East Avenue Medical Center para malapatan ng lunas. Nangyari ang in­sidente sa may kahabaan ng East Avenue, bago makapasok ng Edsa, sa lungsod ganap na alas-11 ng umaga.

Ayon sa ulat ang nagkarambolang bus ay ang Nova bus line ((TWR-949) na minamaneho ng isang Nelson Nasader; Worthy bus (AEL-984) na minamaneho ni Renato Sumatra; at Dianadal Taxi (UWD-494) na ang driver ay si Cesar Diaz.

Diumano, magkakasabay na binabaybay ng mabilis ng mga nasabing sasakyan ang kahabaan ng East Avenue ga­ling ng Eliptical nang pagsapit sa nasabing lugar ay biglang nagkarambola ang mga ito. Sa lakas ng impact, bahagyang nawasak ang katawan at nabasag ang salamin ng mga bus sanhi upang magtamo ng sugat ang pasahero ng mga ito at isugod sa naturang ospital.

Nasa pangangalaga ngayon ng TS3 ang driver ng mga nasabing sasakyan upang matukoy ang tunay na may kasalanan dito.

 

Show comments