MANILA, Philippines - Tatlong binatilyo na pawang magkakaibigan ang halos sabay-sabay na nasawi makaraang tamaan ng kidlat habang masayang naliligo sa Manila Bay sakop ng Baseco Compound sa Port Area, Manila kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina William Calalas Huet, 13; MJ Toto Arigadas, 12 at ang kanilang-kuya-kuyahan na si Rodrigo Rial, 17 , pawang residente ng Block 15, Baseco Compound, Port Area.
Sa inisyal na ulat ni Manila Police District-station 5 chief, P/Supt. Albert Barot, dakong alas- 5:00 ng hapon kamakalawa nang madiskubre lamang ang insidente ng security guard na si Cerilo Malamig na siyang nagreport sa awtoridad nang makita sa pampang ang katawan ng mga biktima.
Isang 13-anyos din na survivor, na hindi na pinangalanan ang kasama sa paliligo ng mga biktima subalit nakaalis ito sa tubig nang tumama ang kidlat.
Nangingitim ang katawan at mistulang napuno ng tubig dahil halos lumolobo umano ang mga tiyan ng mga biktima nang matagpuan.