MANILA, Philippines - Ipinag-utos na ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang pagdemolis sa mga barung-barong na ginawang shabu tiangge at pinatatakbo ng isang malaking sindikato ng iligal na droga sa lungsod.
Sinabi ni Malapitan na agad na gigibain ang mga kubol sa Barangay 188 Tala na sinalakay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Miyerkules sa oras na makakuha ng permiso sa korte.
Nais rin ng alkalde na makakuha ng search warrant buhat sa korte upang mahukay ang mga bakanteng lote na nasa paligid ng shabu tiangge sa hinalang nakabaon dito ang ilan pang mga armas o iligal na droga.
Samantala, sinibak na sa kanyang puwesto ang hepe ng Police Community Precinct na nakakasakop sa lugar na si P/Chief Insp. Carol Macawili habang nagsasagawa ng espesyal na imbestigasyon ang Caloocan City Police upang mabatid kung paano nakapag-operate ang sindikato ng drug den sa lugar.
Nabatid na 21 katao ang naaresto sa operasyon ng CIDG na nagresulta rin sa pagkakarekober ng walong baril, mga bala, dalawang granada, 17 nakaw na motorsiklo, at drug paraphernalia.
Bukod sa pagiging shabu tiangge, hinihinalang kuta rin ang naturang lugar ng mga kriminal na sangkot sa holdapan, carnapping, gun-for-hire at gun smuggling.