MANILA, Philippines - Dalawang beses tumirik ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon ng umaga.
Ayon kay MRT General Manager Roman Buenafe, ang unang pagtirik ay naganap dakong alas-7:20 ng umaga sa North Avenue station makaraang tumunog ang warning bell ng isang tren ng MRT na ikinagulat ng mga nakasakay na pasahero.
Sinabi ni Buenafe, kapag tumunog ang warning bell ay indikasyon na may diprensiya ang bagon kaya pansamantalang itinigil ang bihaye, pinababa ang mga pasahero at ibinalik na lamang sa depo para siyasatin kung ano ang sira nito.
Dakong alas-9:55 ng umaga ay muling tumirik ang isang tren ng MRT-3 sa Shaw Boulevard station makaraang masira ang aircon nito na siyang dahilan para magpaypay at pagpawisan ang maraming pasahero.
Minabuti ng operator ng tren na ibaba ang mga sakay nito at ibinalik din sa MRT depo para ayusin ang nasirang aircon.
Inihayag ni Buenafe na 15 tren ng MRT ang bumiyahe kahapon pero tumirik ang dalawa.
Noong Martes ay dalawang beses ding nagkaroon ng aberya sa biyahe ng MRT-3 na ikinadismaya ng libu-libong pasahero.
Una dito ay sinabi ni Buenafe na mula ng siya ay umupo bilang GM, may anim na buwan na ang nakalipas ay hindi pa tumakbo sa normal operation ng MRT-3 pero gumagawa naman aniya ng paraan ang pamahalaan para maresolba ang mga nasabing problema.