MANILA, Philippines – Nagdagdag ng deployment ng kanilang mga traffic constable ang Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil sa inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko sa Metro Manila hinggil sa pagsisimula na ng konstruksiyon ng extension project para sa Light Rail Transit (LRT) 2.
Ang MMDA ay nagpakalat ng karagdagang pwersa ng kanilang traffic enforcer sa kahabaan ng Marcos Highway dahil sa inaasahang traffic build-up, partikular pagdating ng rush hours, gayundin kapag weekends. Nabatid na ang inner lanes ng magkabilang direksiyon ng Marcos Highway sa may kahabaan ng Santa Lucia, ay isinara na para paglagyan ng mga gagamiting heavy equipment sa konstruksiyon.
Inaasahang magtatagal ng 18 buwan ang naturang proyekto, na ito na magdagdag ng apat na kilometro sa LRT Line 2 para sa bubuksang dalawa pang stations na kinabibilangan ng Emerald at Masinag stations sa Antipolo City, Rizal.