MANILA, Philippines – Karumal-dumal ang sinapit ng isang taxi driver matapos na matagpuan ang bangkay nito sa loob mismo ng minamanehong taxi, kahapon ng umaga sa San Pascual St., Malate, Maynila.
May tali sa bibig, nakabalot ng packing tape ang mukha, nakagapos ang mga kamay at paa ng biktimang si Arturo Amascual, 67, ng Oro-B, Sta. Ana, Manila nang makita sa driver’s seat.
Batay sa imbestigasyon ni SPO3 Milbert Balinggan ng MPD – Homicide Section, alas-6:30 ng umaga nang makita sa loob mismo ng kanyang ipinapasadang KEN taxi (UYE-361) ang bangkay ni Amascual.
Sa salaysay ni Francisco Suzara, 64, karelyebo ng biktima, nagtataka siya kung bakit alas-4:00 na ng umaga ay hindi pa bumabalik sa kanilang garahe sa Makati City si Amascual. Dalawamput-apat na oras ang kanilang palitan.
Dahil tanghali na, itsinek nila sa GPS kung nasaan ang unit at sa pamamagitan ng GPS device ay natukoy nila ang taxi na nasa kanto ng San Pascual at Pres. Quirino Avenue.
Pagpunta sa lugar, doon nakita ang biktima ang wala nang buhay na biktima.
Nakita naman sa closed circuit television camera (CCTV) sa lugar, ang paglabas sa taxi ng tatlong lalaki.
Nagsasagawa naman ng follow up investigation ang pulisya upang matukoy ang mga suspek at motibo ng pamamaslang.