MRT, 2 beses nagka-aberya!
MANILA, Philippines – Dalawang beses nagkaroon ng aberya ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon ng umaga na siyang dahilan ng muling pagkainis ng libu-libong pasahero nito makaraang ma-late sa kanilang appointment at pinapasukang trabaho.
Nabatid na dapat sana ay alas-4:00 palang ng umaga ay bukas na at nagsisimula na ang unang biyahe ng MRT, pero hindi ito nangyari dahil hindi kaagad natapos ang ginawang pagkukumpuni sa naputol na riles ng tren.
Bunsod ng nangyari kaya alas-5:00 na ng umaga nagsimula ang unang biyahe ng tren na siyang dahilan kung kaya naipon sa mga istasyon ang maraming bilang ng pasahero.
Dakong alas-6:00 ng umaga ay muling tumirik ang biyahe ng mga tren makaraang pumalya ang signalling system ng MRT kung saan ay nagtagal na naman ng 30 minuto ang tigil biyahe.
Walang magawa ang maraming pasahero kundi bumaba ng istasyon ng MRT at maghanap ng alternatibong masasakyan sa EDSA makarating lamang sa kanilang destinasyon.
Muling humihingi ng paumanhin sa publiko si MRT General Manager Roman Buenafe dahil sa dalawang beses na aberyang nangyari.
Una nang sinabi ni Buenafe na sa loob ng anim na buwan ng panunungkulan niya bilang GM ay hindi pa bumiyahe nang normal ang mga tren ng MRT na labis niyang ikinalulungkot.
- Latest