MANILA, Philippines – Sampung kabataang lalaki ang tumakas sa holding center ng Caloocan City Social Welfare and Development Office (DSWD) dahil umano sa hindi maayos nilang kondisyon sa naturang lugar.
Sa naantalang ulat na isinumite lamang kahapon sa tanggapan ni Caloocan Police chief, Senior Supt. Bartolome Bustamante, dakong alas-9:30 ng gabi nitong nakaraang Hulyo 29 naganap ang pagtakas ng mga kabataang lalaki na may edad 12-15 taong gulang.
Nilagari umano ng mga bata ang bakal na harang sa detention center sa ikatlong palapag ng Caloocan City Hall Building Annex. Isa umano sa mga bata an g nabalian ng buto nang tumalon buhat sa ikatlong palapag at bumagsak sa semento sa tangkang pagtakas. Isinugod naman ito sa Caloocan City Medical Center.
Ayon kina CSWDO duty house parents Emilda Seminiano at Nemfa Espinosa, hindi nila napansin ang pagtakas ng mga bata dahil sa malakas umanong kumakanta ang mga ito habang nilalagari ang iron bar. Nadiskubre lamang ang pagtakas nang isang malakas na tunog ang narinig.
Nabatid naman na nahaharap sa mga kasong pagnanakaw, panghoholdap, frustrated murder ang mga batang tumakas habang ang ilan ay pabalik-balik na sa holding center.
Inatasan naman ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan si Bustamante na gumawa ng paraan para muling madakip ang mga batang tumakas na kabilang sa kategoryang “Children-in-conflict-with Law (CICL)” habang isang imbestigasyon na ang isinasagawa sa insidente.