MANILA, Philippines – Lasog ang isang motorcycle rider makaraang ma-hit and run ng isang kotse, kamakalawa ng madaling araw Sa Caloocan City. Nakilala sa pamamagitan ng kanyang driver’s license ang biktima na si Arnel Oller, 30, residente ng Sitio Biong, Brgy. San Luis, Antipolo City.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling araw nang humingi ng saklolo sa Police Assistance Center-16 ang isang grupo na motorcycle riders kaugnay sa naganap na aksidente.
Agad na nirespondehan ng mga pulis ang biktima na nakahandusay sa may Quirino Highway, Brgy. 183, ng naturang lungsod, at isinugod sa Dr. Jose Rodriguez Hospital. Nalagutan ng buhay ang biktima dakong alas-3:30 ng madaling araw.
Sa imbestigasyon, sinabi ng saksing si Wilson Mila na nakita niyang biglang tumalsik ang biktima habang binabagtas ang Quirino Highway sa tapat ng Midway Park Subdivision.
Sa halip na saklolohan ng nakabundol na tsuper ng kotse, agad itong tumakas patungo sa direksyon ng Bulacan.