MANILA, Philippines – Nagpasaklolo na kahapon sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pamilya ng isang miyembro ng kilalang grupo na ‘Masculados Dos’ na napatay sa diumano’y insidente ng carjacking para sa agarang ikadarakip ng mga salarin.
Personal na dumulog sa NBI-National Capital Region (NCR) ang kapatid ng biktimang si Ozu Ong, 30, na si Mary Ann Ong, 28 dahil wala pa umano silang nakukuhang impormasyon kung ano ang motibo sa pagpatay sa nakatatandang kapatid.
Matatandaang bandang alas-4:00 ng madaling araw kamakalawa nang barilin sa dibdib si Ozu, ilang metro ang layo sa Primrose Hills Subdivision, Angono.
Hindi na nakauwi pa sa kaniyang pamilya ang biktima mula sa show nito sa Tomas Morato dahil sa gate pa lang ay pinagbabaril na ito.
Isa sa inaalam na anggulo kung sino ang kausap ng biktima sa cellphone nang ito ay marinig na nagsabing “Ano ba ang atraso ko sa’yo”. Kasama umano sa kaniyang itim na Toyota Hilux (AAO 2722) mula sa nasabing show ang isang lalaki at dalawang babae na nagpahatid muna sa Antipolo City.”
Hindi rin maaaring kuning testigo ang mga sekyu ng nasabing subdivision dahil hindi naman nila nasaksihan ang pangyayari kundi nakarinig lamang ng putok ng baril at tunog ng motorsiklo.
Umaasa si Mary Anne na walang mabigat na dahilan sa likod ng pagpaslang sa kaniyang kapatid at mas gusto pa umano niyang malaman kung carjacking lang ang dahilan.