Operasyon ng MRT mananatiling abnormal
MANILA, Philippines – Inamin ni Metro Rail Transit General Manager Roman Buenafe na nananatiling abnormal ang operasyon ng MRT-3.
Ayon kay Buenafe, mula ng maging GM siya, anim na buwan pa lamang ang nakalilipas ay hindi pa bumiyahe sa normal operation ang mga tren ng MRT-3.
Sinabi ni Buenafe, masasabi lamang niyang normal ang operation ng MRT-3 kung 20 tren ang bibiyahe upang matugunan ang halos kalahating milyong sumasakay ng MRT-3 araw-araw.
Sa ngayon aniya ay nasa 12-16 tren lamang ang bumibiyahe araw-araw sa kahabaan ng Edsa North Avenue, sa Quezon City patungo sa Edsa, Pasay City.
Si Buenafe ay umupo bilang GM ng MRT-3 noong Enero 4, 2015. Pinalitan niya si Renato San Jose na dating officer-in-charge ng MRT.
Umapela ng pang-unawa at paumanhin sa publiko si Buenafe bunsod ng madalas na pagkakaroon ng aberya sa MRT-3 at kakulangan ng mga bumibiyaheng tren.
Aniya, gumagawa naman ng paraan ang pamahalaan upang masolusyunan ang problema para maging kumbinyente ang mga commuters sa kanilang biyahe.
- Latest