MANILA, Philippines - Nalambat ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang limang suspect, kabilang ang tatlong babaeng tulak ng shabu sa magkakahiwalay na anti-narcotics operations sa lungsod, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ng bagong QCPD director Chief Superintendent Edgardo Gonzales Tinio ang mga suspect na sina Melita De Vera, 36; Angelita Julio, alyas Negra, 35; Veronica De Jesus, 58; Allan Real 35, at Joel Real, 40.
Ayon kay Tinio, si De Vera ay pang-pito sa drug target ng Masambong Police Station’s (PS-2) Top 7 habang si Julio naman ay nasa Top 10 sa Galas Police Station (PS-11).
Si De Vera ay naaresto matapos na magbenta ng isang plastic sachet ng shabu sa isang undercover agent sa kahabaan ng Bahawan cor. Munong Street sa Masambong, ganap na alas-10 ng gabi.
Nasamsam mula kay De Vera ang P500 na halaga ng marked money at mga shabu.
Habang sina Julio at De Jesus ay nadakip naman ng anti-drugs operatives ng Galas Police Station (PS-11) sa kanilang lungga ganap na alas-7:00 ng gabi. Nakuha mula sa mga suspect ang isang plastic sachet ng shabu at ang buy-bust money na halagang P200.00
Ang suspect na Real ay nadakip sa anti-illegal drug operation na ginawa ng Novaliches Police Station (PS-4) ganap na alas-5 ng hapon sa kahabaan ng Gonzales St. Brgy., Nagkaisang Nayon, Quezon City.
Sina De Vera, Julio at De Jesus ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic act 9165 o ang Dangerous Drugs Act of 2002; habang ang mga Reals ay kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at paglabag sa R.A. 10591 o ang illegal possession of ammunitions.