MANILA, Philippines - Natatarantang nagtakbuhan ang mga empleyado ng Pasay City Hall matapos makatanggap ng bomb threat ang naturang tanggapan, kahapon.
Base sa report na natanggap ng Pasay City Police, nabatid na unang nakatanggap ng text massage si SPO4 Ernesto Tesoro, duty operator ng Station Tactical Operation ala-1:15 kamakalawa ng hapon.
Nagmula sa numerong 0946-306-4141, nakasaad ang ganitong mga kataga, “anytime ngayon sasabog ang inilagay kong bomba dyan sa city hall. Dapat lang yan mawala sa mundo ang mga buwaya lalo na ang mga MTCT Task Force. Magsamasama na sila wag na wag baliwalain ang banta kong ito”.
Bandang alas-10:50 ng umaga nang magkakasunod na nakatanggap naman ng text messages ang apat na empleyado ng Pasay City Hall, na sina RJ Zoleta, nakatalaga sa Mayor’s Office; Ace Sevilla; Robert Marquez at Len Len Ocampo, na kahalintulad din ng cellphone number na nagbabanta rin.
Ito ang nakasaad sa text messages “may nakatanim na bomba sa loob ng city hall at anumang oras mula ngayon maaari na itong sumabog kung mahal ninyo pa ang buhay nyo at ayaw madamay sa mga corrupt ay umalis na kayo diyan habang may oras pa hindi po ito biro at huwag balewalain”.
Kaagad na ipinagbigay alam sa City Admin ng Pasay City Hall ang insidente at dahil dito ay natatarantang nagtakbuhan ang mga kawani dahil sa takot.
Kung kaya’t kaagad na nagresponde ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics Unit, Explosive Ordnance Disposal Special Reaction Unit ng Pasay City Police.
Mahigit isang oras nagsagawa ng inspection sa buong gusali ang naturang operatiba sa pamumuno ni Senior Inspector Allan Rainer Cabral, subalit negatibo naman sa bomba.
Matapos makumpirma na wala namang bomba ay nagbalikan na ang mga kawani sa Pasay City Hall Office alas-12:00 ng kahapon ng tanghali.
Ayon sa pulisya, posibleng nanakot lamang ang walang magawang caller para bulabugin lamang operasyon sa city hall.