MANILA, Philippines - Natimbog ng mga operatiba ng District Anti-Illegal Drug ng Quezon City Police ang isang ginang na lider umano ng isang grupo na nagtutulak ng shabu matapos ang isinagawang buy-bust operation sa isang lugar sa lungsod, kamakalawa.
Sa ulat ni PO3 Warlito Cagurungan ng DAID-SOTG, ang suspect ay nakilalang si Wilma dela Cruz, alyas Wilma, 31, ng UP Bliss Garden, Brgy. San Vicente sa lungsod.
Ang suspect ay lider umano ng tinaguriang “Wilma Drug Group” na ang operasyon ay sa lugar ng Brgy. Old Capitol Site, UP Village at San Vicente sa lungsod.
Nadakip ang suspect sa isinagawang buy-bust operation sa harap ng isang bahay sa Masaya St., Brgy. Old Capitol Site, ganap na alas-7:45 ng gabi.
Bago ito, ilang linggong minanmanan ng mga operatiba ang suspect matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa malawakang operasyon nito ng iligal na droga sa naturang mga lugar.
Nang makumpirma ang nasabing tip, agad na nakipagtransaksyon ang DAID-SOTG sa suspect para sa pagbili ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P10,000.
Dito ay nagkasundo ang mga operatiba at suspect na magkita sa naturang lugar para sa palitan ng items kung saan naganap ang nasabing pag-aresto.
Narekober sa suspect ang isang plastic sachet ng shabu at ang bundle money na P10,000 na ginamit sa operasyon.