MANILA, Philippines – Inihayag kahapon ng pamunuan ng Department of Transportation ang Communication (DOTC) na hindi apektado ang operasyon ng Metro Rail Transit (MRT-3) at Light Rail Transit (LRT) sa isasagawang malawakang earthquake drill sa Metro Manila ngayong araw na ito.
Ayon kay DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya, magiging normal at tuloy-tuloy pa rin ang biyahe ng LRT at MRT sa kabila ng naka-schedule na Metro wide na earthquake drill na pasisimulan ngayon alas-10:30 ng umaga.
Sinabi ni Abaya, layunin nilang hindi maantala ang mga pasahero ng LRT at MRT patungo sa kanilang destinasyon lalo na ang mga estudyante na papasok sa kanilang mga paaralan at mga manggagawa patungo sa kanilang trabaho.
Pero ang mga public utility vehicles, tulad ng jeep at mga bus ay kailangan na makiisa sa drill sa pamamagitan ng paghinto ng 45 segundo sa oras na pasimulan ang pagsasanay.
Ang Pasig City naman ay ganap na alas-8:00 ng gabi isasagawa ang drill sa Ortigas Business District na lalahukan ng iba’t-ibang sector sa lipunan, paaralan, tanggapan ng pamahalaan at iba’t-ibang religious organization.
Ang Metro Manila Development Authority at Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang siyang mangunguna sa pagsasanay na ang layunin ay mapaghandaan ang posibleng maganap na ‘The big one’ o malakas na lindol na posibleng tumama sa bansa.