MANILA, Philippines – May kasabihang ‘Magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa bagong gising’, pero mas matindi kung ang isang taong natutulog ay iyong bibiruin at bubulabugin.
Ito ay napatunayan nang burdahan ng saksak ang isang 35-anyos na helper ng kanyang kasamahan sa trabaho na kaniyang biniro habang natutulog sa loob ng kanilang barracks sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling-araw. Dead on the spot ang biktimang si Carlito Macario, alyas Dagul, binata, tubong Asingan, Pangasinan at stay-in sa Lejusan Trading, sa Suter St., Sta. Ana.
Matapos mahimasmasan ay nagpasiyang sumuko ang suspek na kinilalang si Rodolfo Fernandez Jr., alyas Janjan, 22, tubong Guihulngan, Negros Oriental, binata at stay-in helper din sa nasabing tindahan. Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-12:00 ng madaling araw nang gawin umano ng biktima ang pangungulit sa natutulog na suspek sa loob ng kanilang barracks.
Bago ito, magkakasama umano ang biktima, suspek at iba pang kasamahan sa trabaho sa inuman na nagsimula alas- 8:00 ng gabi at dakong alas-11 ay natapos at nagsitulog na umano ang mga ito. Gayunman kinulit umano ng biktima ang natutulog na suspect sa pamamagitan nang pagsubo rito ng buto ng manok. Dito na nagising ang suspect na patuloy pa ring binibiro ng biktima kung saan kumuha ng patalim ang una at inundayan ng saksak ang huli dahilan ng naging kamatayan nito.
Naalimpungatan umano ang kasamahang si Elmer Payumo sa sigaw na narinig na nakitang may hawak na 2 kutsilyo ang suspek. Nagawa pa umanong makabangon ng biktima sa kabila ng dami ng tama subalit humandusay na rin ito.