MANILA, Philippines – Sinampahan na ng kaukulang kaso ng mga awtoridad ang isang vendor na inaresto dahil sa pananakit sa dalawang pulis sa kasagsagan ng kilos protesta na isinagawa ng mga militanteng grupo sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, kasabay sa isinagawang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Noynoy Aquino, kamakalawa ng hapon. Ang suspect ay nakilalang si Erick Lopez ng Veterans Village, Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Kasong physical injury at assault upon a person in authority ang isinampa sa suspect matapos magpaulan ng bato at mineral water ang grupo nito na ikinasugat ng mga biktimang sina PO2 Leif Abuton, 46; at PO2 Michael Froyalde, 36, nakatalaga sa Quezon City Police District Station 4.
Sa ulat ni PO2 Roldan Cornejo, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Brgy. Holy Spirit ala-1:56 ng hapon.
Ayon kay Cornejo, ang dalawang pulis ay miyembro ng ‘Task Force Quezon’ sa SONA ni PNoy at naitalaga sa SSTG Petron bilang arresting officer.
Habang nagbabantay sa naturang lugar naging marahas ang mga militante at naghagis ng bato, at mineral water sa mga nagbabantay na aworidad na ikinasugat ng dalawang biktima.
Sinasabing dahil ipinatupad ng mga pulis ang maximum tolerance ay lalong naging marahas ang mga militante dahilan para magsagawa na sila ng pag-aresto at madakip si Lopez.