MANILA, Philippines - Naaresto sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y utak sa ‘SIM swap scam’ at mga kasabwat nito kamakailan sa Calamba, Laguna. Kinilala ni Special Investigator Lira Ana Labao ng NBI Investigation Division ang suspek na si Franco Yap De Lara, dating sales agent ng Toyota Motors, at ang kasabwat na si Ramir Pacual, kapwa residente ng Quezon City.
Inireklamo si de Lara sa NBI ng Globe Telecommunications Company kaugnay sa reklamo ni Ian Caballero, na nabiktima ng suspek matapos na mapalitan ang kanyang SIM. Nauna nang ipinakita ng NBI sa ilang mamamahayag ang footage na nagpapakita kay De Lara sa loob ng Globe store. Sa imbestigasyon, nabatid na nagkaroon ng mobile banking transaction ang suspek at nakapambiktima ng limang indibiduwal. Karamihan sa mga naging biktima ng suspek ay ang mga dati niyang kasamahan sa kompanyang kanyang pinagtatrabahuhan.
“Lima ‘yung nabiktima niya,’ yung isa ay nakuhanan niya ng P200,000,‘yung isa ay P180,000, ‘yung isa ay P200,000. ‘Yung mga nabiktima niya ay mga dati niyang kasama sa Toyota Motors, puwera lang ‘yung huli na P48,000 sana na na-foil. Nahaharap si de Lara sa mga kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act, Access Device Law (RA 8484) at Article 172 ng Revised Penal Code o falsification of documents.