MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagbuhos ng malakas na ulan, hindi nagpatinag ang may libong raliyista na sumugod sa kahabaan ng Commonwealth Avenue para magsagawa ng programa o kilos protesta kasabay sa ika-6 at huling State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Benigno Aquino III, kahapon.
Ganap na ala-1:30 ng hapon, biglang nagkaroon ng tension sa may south bound lane ng Commonwealth makaraang magkagirian ang mga militante at mga pulis nang tangkain ng mga una na makapasok sa nakaharang na mga container van patungo sa Batasan Complex.
Humantong ang girian sa gulo lalo na nang magpa-ulan ng bato, at iba pang bagay ang mga raliyista patungo sa mga nakahilerang pulis. Dito ay pilit ding tinatanggal ng mga militante ang mga nakahilerang container van dahilan para magpasya ang kagawad ng Bureau of Fire na bugahan na ng tubig para maitaboy.
Dalawang pulis na nakilalang sina Chief Inspector Antonio Ananayao Jr. at PO1 Redemn Malagonuo, kapwa ng Regional Public Safety Battalion na binugbog ng mga raliyista sa loob ng isang jeep.
Tulad ng dati, dahil hindi makapasok sa target na lugar na pagdadausan ng kilos protesta ang mga militante, ang Batasan complex at halos nag kanya-kanyang grupo ang mga ito na nagtipun-tipon sa may magkabilang linya sa kahabaan ng Commonwealth, Ever Gotesco, may 100 metro buhat sa pagdarausan ng SONA.
Dito nila pinagsama-sama ang kanilang mga hinaing laban sa pamahalaan. Naroon din ang isang effigy ng Pangulo na mistulang nakasakay sa isang tila bulok na MRT na sumisimbulo umano ng kabulukan ng pamamahalaan ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), nasa walong PNP personnel ang nasugatan sa insidente, kabilang ang dalawang police intelligence na kinuyog ng mga militante. Habang 16 naman sa panig ng mga militante ang sugatan.
Sa kabuuan, tinatayang nasa 7,000 militante buhat sa iba’t-ibang samahan ang nagsama-sama sa lugar para magsagawa ng kilos protesta.
Bago ang araw ng SONA ng Pangulo, ay nauna nang nagparamdam ang mga militanteng magsasaka mula sa Southern Tagalog na ipakita ang kanilang protesta, partikular sa harap ng tahanan ng Pangulo sa Times Plaza, hanggang sa magpalipas ng gabi sa may harap ng Department of Agrarian Reform.
Alas-4 ng madaling-araw naman nang magsimulang magtipun-tipon ang iba’t-ibang grupo ng mga militante bitbit ang kanilang mga pamamaraang pagtuligsa, tulad ng placards at mga estreamers at naglakad patungo sa kahabaan ng Commonwealth, partikular sa harap ng Ever Gotesco mall.
Sinasabing aabot naman sa 10,000 PNP personnel ang nakabantay sa naturang lugar, habang may 5,000 sa mga ito ay nakabantay naman malapit sa Batasan complex.