MANILA, Philippines – Aabot sa 100 bahay ang natupok makaraang sumiklab ang isang sunog sa isang residential area sa Navotas City, kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Navotas, dakong alas-9:30 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa may Sitio Puting Bato sa Bgy. North Bay Boulevard South at naideklarang fire under control dakong alas-10:30 ng umaga.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang apoy buhat sa sumabog na maliit na tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) ng isa sa mga residente na nagluluto at posibleng napabayaan.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog ngunit masuwerte namang walang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente.
Kasalukuyang nakakalat sa kalsada ang tinatayang nasa 150 pamilya na naapektuhan sa naturang sunog.
Nanawagan ang mga biktima ng tulong buhat sa lokal na pamahalaan para sa pagkain at iba pang pangangailangan.