14 na youth offender nakapuga sa MYRC
MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan ang diumano’y pagpuga ng may 14 na menor de edad na pawang may mga kasong kriminal mula sa Manila Youth Reception Center (MYRC) noong Martes (Hulyo 21) sa pamamagitan ng paglalagare umano ng steel bars ng “Mabait Dorm”.
Nabatid na lumiham si Manila 5th District Councilor Ali Atienza at 2nd District Councilor Rod Lacsamana kay Department of Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman, Justice Secretary Leila de Lima at sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa nasabing pagtakas ng 14 na youth offenders na ang ilan ay naghihintay na lamang ng commitment order mula sa korte upang ilipat sa Manila City Jail (MC) dahil tutuntong na sa edad na 18.
Ayon sa ulat na natanggap ng dalawang konsehal, ang mga nakatakas ay may mga kasong robbery, murder at iligal na droga, na pawang mabibigat ang parusa.
Ala-1 ng madaling araw ng martes nang makapuga ang mga kabataan at nakitang nilagare ang steel bars ng kanilang detention facility.
Kabilang sa posibleng managot ang tumatayong house parents at mga miyembro ng city security force (CSF).
- Latest