Siningitan na, pinatay pa
MANILA, Philippines - Patay ang isang tsuper matapos itong saksakin ng alalay ng naka-argumento nitong driver dahil lamang sa away sa trapiko, kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Dead on arrival sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Manuel Martinez, 38, ng Bagumbong, Caloocan City sanhi ng tinamong malalim na saksak sa dibdib buhat sa isang patalim.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek at nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya hinggil sa insidente.
Ayon sa pagsisiyasat ng Homicide Investigator ng Pasay City Police na si P03 Reynaldo Wangi, naganap ang insidente alas-12:20 ng madaling araw sa Northbound lane ng panulukan ng Libertad St., at Taft Avenue ng naturang siyudad habang pinapasada ng biktima ang kanyang jeep na may plakang CFA-994 nang biglang dumaan ang isa pang jeep na nagdulot ng masikip na daloy ng trapiko.
Dahilan upang magalit ang biktima at komprontahin nito ang driver na nangharang sa kanya. Sa kainitan ng away ng dalawa, isang lalaking alalay ng sumingit na driver ang bumunot ng patalim at inundayan ng saksak ang biktima, dahilan upang duguan itong bumalagta.
Kaagad na dinala ang biktima sa nasabing pagamutan ng ilang taong naroroon, subalit hindi na ito umabot ng buhay at ang mga suspek naman ay mabilis na tumakas matapos isagawa ang pananaksak.
- Latest