MANILA, Philippines - Ibalik ang death penalty.
Ito ang binigyan-diin ni Manila Mayor Joseph Estrada kung saan sinabi nito na napapanahon na upang ipatupad ng administrasyong Aquino ang death penalty sa mga kasong may kinalaman sa illegal drugs.
Ayon kay Estrada, maraming buhay ang nasasayang sa iligal na droga na umano’y laganap na sa Maynila. Aniya, hindi biro ang kaso ng droga kaya’t dapat nang kumilos ang gobyerno upang puksain ito upang hindi na madamay pa ang mga kabataan.
Nakababahala umano ang istadistika ng Philippine Drug Enforcement Agency na 90 porsiyento na ang lawak ng operasyon ng illegal drugs sa bansa.
Kaya’t abut-abot naman ang apela ni Estrada sa mga barangay officials na makipagtulungan sa mga pulis at city officials upang agad na maresolba ang illegal drugs sa kanilang mga nasasakupan.
Maaari lamang ibigay ng mga residente o barangay officials ang impormasyon ng kanyang constituent na sangkot sa droga at ang pulis na ang siyang tututok dito.
Dagdag pa ni Estrada na ang illegal na droga ang kadalasang nagiging dahilan ng iba’t- ibang nagaganap na karumal-dumal na krimen kabilang na ang pagpatay at panggagahasa.