32 paaralan sa Quezon City, walang pasok sa Lunes

MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng Department of Education (DepEd) na walang pasok ang may 32 pampublikong paaralan sa Quezon City sa Lunes, bunsod ng gaganaping State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Benigno Aquino. Sa memo­randum na ipinalabas ng DepEd division office ng QC, nabatid na may kabuuang 21 paaralan sa elementarya at 11 high school ang walang pasok sa Hulyo 27. Ayon sa DepEd, ang 32 pa­aralan ay malapit sa Batasan Complex, kung saan gaganapin ang huling SONA ng Presidente.

Layunin ng DepEd na hindi maipit sa masikip na daloy ng trapiko ang mga estudyante kaya nila sinuspinde ang klase sa mga ito. Inaasahan ng DepEd na maraming opisyal ng pamahalaan ang magtutungo sa mababang kapulungan ng Kongreso bukod pa ang mga militanteng grupo na magsasagawa ng protesta sa araw ng SONA. Sa mga private school naman ay ang kanilang school management at principal na ang magdede­sisyon kung sususpindihin nila ang klase.

 

Show comments