MANILA, Philippines - Nagbalik na sa operasyon kahapon ang Philippine National Railways (PNR) pero limitado pa lamang ang biyahe nito.
Ayon kay Paul de Quiros, tagapagsalita ng PNR, mula sa Tutuban station sa Tondo, Maynila ay hanggang Alabang sa Muntinlupa pa lamang ang kanilang biyahe habang ang patungo ng Alabang hanggang sa Calamba, Laguna ay hindi pa natatapos ang ginagawang pagkukumpuni sa riles.
Sinabi ni De Quiros, magsisimula ang biyahe ng PNR ng alas-5:00 ng madaling araw habang ang last trip nito ay ganap na alas-7:45 ng gabi.
Aniya, ang pagbabalik sa operasyon ng PNR ay makakatulong sa mga commuters na maibsan ang matagal na paghihintay ng masasakyan at maipit sa masikip na daloy ng trapiko patungo sa kanilang destinasyon.
Malugod naman nagpapasalamat ang mga regular na pasahero ng PNR na nagbalik na ito sa operasyon matapos ang halos tatlong buwan na mahinto ang biyahe nito dahil sa ninakaw at putol na riles.
Karamihan sa mga pasahero ng PNR ay mga empleyado na patungo sa kanilang trabaho at mga estudyante na papasok sa kanilang paaralan at pauwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Kung ikukumpara sa ibang alternatibong transportation ay malaki ang natitipid ng mga regular na pasahero ng PNR dahil P25 lamang ang pamasahe mula sa Tutuban station hanggang sa Alabang.
Inihayag pa ni de Quiros na dinagdagan nila ng tatlong minuto ang dating limang minutong biyahe patungo sa susunod na istasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Dahil sa matagal na hindi nakabiyahe ang PNR ay lumaki na ang mga damo sa riles kaya hindi makakapagpatakbo ng mabilis.