MANILA, Philippines - Pinakakasuhan ng Department of Justice (DoJ) si Valenzuela City Mayor Rexon Gatchalian kasama ang ilang fire officials, ilan pang indibiduwal at ang may-ari ng Kentex Manufacturing Corporation kaugnay sa pagkasunog ng nasabing warehouse na ikinasawi ng 72 katao noong Mayo sa Valenzuela City.
Kasama rin sa pinakakasuhan ng DOJ ang may-ari at mga kawani ng kompanyang nagsagawa ng pagwe-welding na naging dahilan ng sunog.
Ang DOJ panel of prosecutors na nag-imbestiga at duminig sa kaso ay kinabibilangan nina Senior Assistant State Prosecutor Roberto Lao, Assistant State Prosecutor Olivia Torrevillas, ASP Ma. Cristina Barot, State Counsel III Margarette Robles, SC II Consuelo Corazon Iazzuacan at SC I Dioxenos Sulit. Ang rekomendasyon ng lupon ay ibinatay sa mga nakalap na testimoniya, documentary evidence na galing sa mga investigating agencies.
Base sa resolusyon ng DOJ, kabilang sa pinakakasuhan ng multiple homicide at ng multiple physical injuries alinsunod sa Article 365 ng Revised Penal Code ay sina Terrence King Ong, Kentex operations manager; Oscar Romero, kawani ng Ace Shutter Corp., ang kumpanya na nagsagawa ng welding sa Kentex; Wilmer Arcenal, Ace Shutter Corp at Rosalina Uy Ngo, ang may-ari ng Ace Shutter Corp.
Ang mga manager, mga opisyal at may-ari ng Kentex na sina Ong King Guan at Beato Ang, ay maaari ring idemanda sa sandaling mapatunayan na sila ay may pagkukulang sa insidente.
Samantala, pangunahing pinakakasuhan ng paglabag sa Section 11.2.a (4) at sa (5) ng Republic Act 9514 ng Fire Code of the Philippines ay sina: Mayor Gatchalian; Atty. Renchi May Padayao, officer-in-charge ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Valenzuela City; Eduardo Carreon, ang licensing officer IV ng BPLO ng Valenzuela City
Habang pinapanagot naman sa paglabag sa Section 11.2.a (1) and (8) ng Fire Code sina: Fire Supt. Mel Jose Lagan, Valenzuela City Fire Marshal; F/Sr. Insp. Edgrover Oculam, chief of the Fire Safety Enforcement Section ng Valenzuela City Fire Station at SFO2 Rolando Avendan, fire safety inspector ng Valenzuela City Fire Station
Inirekomenda rin na idemanda ng hiwalay na kaso ng paglabag sa Section 3 (3) ng RA 3019 Anti-Graft and Corrupt Practices Act sina Gatchalian, Padayao, Carreon, Lagan, Oculam at Avendan.
Bukod sa mga nabanggit na opisyal at mga pribadong indibiduwal, isasalang din sa imbestigasyon ang mga opisyal ng Department of Labor and Employment-National Capital Region dahil sa pagpapalabas nila ng certificate of compliance noong September 14 sa Kentex.