MANILA, Philippines – Nakumpiska ng mga tauhan ng Manila Police District- District Police Intelligence Unit ang may 9,700 unit ng mga pekeng smartphones at tablets, kamakalawa ng hapon sa Maynila.
Ayon kay P/Chief Insp. Rizalino Ibay, hepe ng MPD-DPIOU, isinagawa ang pagsalakay dakong alas -3 ng hapon ng mga operatiba sa isang warehouse na pagmamay-ari ng Sky High Marketing Corporation, San Diego Building sa may Palanca, Quiapo at Odeon Mall sa Avenida St., Sta.Cruz, Maynila .
Naaresto dito ang 17 Chinese national na pinaniniwalaang responsable sa pagbebenta ng mga pekeng gadgets. Ang mga ito ngayon ay isinasailalim sa imbestigasyon.
Sa bisa ng search warrant pinasok ang Sky High Marketing Corporation at tumambad sa kanila ang kahon-kahong units ng smartphones at tablet computer.
Nakitang rehistrado naman ang mga produkto ng “Ace” na gawang China at may ICC stickers ang mga ito.
Paliwanag ni Ibay, modus operandi ng grupo ay tinatastas ang orihinal na tatak saka pinapalitan gamit ang engraver, na narekober din sa lugar. Naibebenta ang mga pekeng gadgets mula P4,500 hanggang P7,000. Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 8293 (trade infringement), ang mga naarestong suspek.