P100-M nakulimbat 90 katao biktima ng illegal recruiter
MANILA, Philippines – Aabot sa 90 katao ang natangayan ng may P10 milyong halaga ng salapi matapos na maloko ng isang recruiting agency na pinangakuan silang magkakatrabaho sa ibang bansa, kapalit ang pagbibigay nila ng placement fee sa lungsod Quezon.
Ito ang nabatid makaraang personal na magreklamo sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang mga biktima sa pangunguna ni Allan Buhat ng Lucena City.
Partikular na inireklamo ng mga biktima ang mga suspect na sina Honey Rose Calipco, alyas Almie Rose Calipco; Ronald Calipco; at Maui Tica at Helen Cantigan; na may office address na Bantay Bayan na matatagpuan sa Ambuklao St., Napocor Village, Tandang Sora at naninirahan sa Macario St., kanto ng Rivera St., San Francisco del Monte. Ayon kay Buhat, ang nasabing mga suspect ay nangako sa kanila ng trabaho sa ibang bansa kapalit ang malaking halaga ng pera.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Erickson Isidro, imbestigador, nagsimulang mag-recruit ang mga suspect noong October 2014 hanggang sa kasalukuyan.
Bago ito, nagkunwari umano ang mga suspect na mayroong recruitment agency sa lungsod at nahikayat ang mga biktima na mag-aplay dito para makapagtrabaho sa ibang bansa, kapalit ang hinihinging placement fee na halos daang libo.
Subalit, nagtaka umano ang mga complainant na lumipas ang maraming buwan ay wala pa ring nakakaalis sa kanila papuntang ibang bansa para makapagtrabaho, dahilan para i-verify nila ito sa POEA at nalamang peke ito.
Sa puntong ito, nagpasya ang mga complainant na puntahan ang nasabing ahensya para kunin ang kanilang ibinigay na pera, ngunit hindi na nila ito naabutan at hindi na nagpakita.
Dahil dito, nagpasya ang mga complainant na dumulog na lamang sa pulisya para magreklamo. Kasong large scale estafa ang isinampa ng mga complainant laban sa mga suspect na tinutugis na ngayon ng awtoridad.
- Latest