MANILA, Philippines – Pinatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang isang ginang na nagbabantay ng kanilang tindahan sa Caloocan City, kamakalawa ng umaga.
Nakilala ang biktima na si Marilyn Paraiso, 53, at naninirahan sa B. Serrano St., Brgy. 108, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-6 ng umaga nang madiskubre ang duguang bangkay ng biktima ng kanyang anak na si Jerome sa may sari-sari store sa unang palapag ng kanilang bahay.
Ayon kay Jerome, nakita niyang nakadapa ang kanyang ina habang naliligo sa sariling dugo. Agad na isinugod ang biktima sa Manila Central University Hospital ngunit idineklara itong dead-upon-arrival.
Nakuha sa lugar ang isang bakal na tubong duguan at ilan pang ebidensya na maaaring buhat sa salarin. Inaalam din ng pulisya ang mga posibleng anggulo sa pamamaslang kabilang ang maaaring tangkang panghoholdap sa biktima.
Kasalukuyang kumakalap ang mga imbestigador ng dagdag na ebidensya at maaaring mga saksi na nakakita sa naturang krimen para sa agarang pagresolba nito.