MANILA, Philippines – Doble kamalasan ang inabot ng isang taxi driver dahil bukod sa kinuha ang kanyang kinita sa magdamag ay tinangay pa ng mga holdaper ang kanyang pinapasadang taxi sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Personal na dumulog sa Police Station 2 ang biktimang si Jun Soberano, 42, ng Brgy. Bagbag, Quezon City.
Sa ulat ni PO3 Jonathan Diva, naganap ang insidente alas-3:40 ng madaling-araw sa panulukan ng Kalawag at Ilagan Sts., Brgy. Paltok.
Bago ito, isa sa mga suspect na nagkunwaring pasahero ang sumakay sa biktima sa nasabing lugar.
Ilang sandali pa, bigla na lamang sinakal ng suspect ang biktima saka tinutukan ng patalim, bago ang ilang kasamahan ng una na naghihintay sa nasabing lokasyon ay pumasok na rin sa taxi saka iginapos at tinakpan ang bibig nito gamit ang duct tape ang biktima.
Matapos ito, sinimulan ng mga suspect na limasin ang kinita ng biktima na halagang P2,700 at driver’s license, bago humarurot papalayo sa lugar. Pagsapit sa Brgy. San Antonio sa lungsod ay ibinaba ng mga suspect ang biktima saka tinangay ang taxi nito na Toyota Vios (UCQ-829) at may markang GMAT Taxi.