MANILA, Philippines – Sasabayan ng sangkaterbang road re-blocking ang gagawing pagbibiyahe ng marami nating kababayan ngayong Holy Week.
Ito ay makaraang pumayag ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na simulan bukas, Huwebes Santo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang road re-blocking sa ilang bahagi ng EDSA Avenue at C-5.
Ito ay paalala kahapon ng MMDA sa publiko lalo na sa mga motoristang magtutungo sa mga apektadong lugar ng road re-blocking.
Alas-12:01 ng madaling-araw ng Huwebes Santo sisimulan ang road re-blocking ng DPWH at matatapos hanggang Abril 5, alas-12:00 ng tanghali.
Kabilang sa mga apektadong lugar ay ang-bahagi ng South-bound, kahabaan ng Mindanao Avenue mula Road 8 hanggang North Avenue (1st Lane); kahabaan ng E. Rodriguez Jr. Avenue / C-5 pagitan ng Poseidon St. at Green Meadows Avenue (2nd Lane from sidewalk); kahabaan ng EDSA pagitan ng Connecticut hanggang Guadalupe Bridge, Mandaluyong City; kahabaan ng EDSA mula Guadalupe Station hanggang Estrella Street (4th at 5th Lane) at kahabaan ng C-5 Road Pasig Boulevard hanggang Bagong Ilog Service Road.
Sa North-bound, ay ang kahabaan ng EDSA Guadalupe Bridge hanggang Temple Drive Mandaluyong City; Kahabaan ng C-5 Road mula Valle Verde/Resins Inc. hanggang SM Warehouse (2nd Outermost Lane) at kahabaan ng EDSA mula Buendia hanggang Escuela Street (4th at 5th Lane).
Inaasahan na ang pagsisikip ng daloy ng trapiko at pinayuhan ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang mga motorista partikular ang mga pauwi ng probinsiya na kung maaari ay umalis na ng maaga sa Metro Manila.
Ito’y upang makaiwas sa matinding abala dahil sa inaasahan na ring buhos ng maraming tao sa mga terminal na uuwi sa probinsiya.